Pagpapatuloy ng pulong

sa gabi, dapat nang magpatuloy ang pagpupulong
maghapon nang nagkarpintero't nagpagulong-gulong
sa pawis at tatal ngunit di nag-uurong-sulong
bagamat sa maraming bagay ay di pa marunong

sa kabila ng lockdown, abalahin ang sarili
sa mga gawaing bahay, huwag mag-atubili
pakainin ang manok at magtanggal ng tutuli
maggupit ng plastik at kuko, kung di mapakali

isulat sa kwaderno ang sa diwa pumulandit
habang nakikinig sa bulyaw ng gabing pusikit
sa amin kayang pulong, anong nais kong ihirit
anumang napag-usapan ay agad maiguhit

sadyang sakbibi ng hirap ang panibagong normal
na di malaman ang gagawin kahit ng hinalal
tutula lang ba ang tulala, parang isang hangal
sa nangyayari ba'y ano't laging natitigagal

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo