Kaunlarang may hustisyang panlipunan

KAUNLARANG MAY HUSTISYANG PANLIPUNAN

nais kong kaunlaran ng bayan
ay ang may hustisyang panlipunan
at di nang-api ng kababayan
o nagsamantala sa sinuman

nais kong pag-unlad ay kasama
ang manggagawa't mayoryang masa
di pag-unlad lang ng elitista
di kaunlaran lang ng burgesya

pag-unlad bang kayraming tinayo
tulay na mahaba't malalayo
gusaling matatayog sa luho
subalit tao'y naghihingalo

dahil sa kahirapan ng buhay
buti pa ang pag-unlad ng tulay
kalakal ay nahatid na tunay
habang mga tao'y naglupasay

dahil sa gutom, karalitaan
iyan ba ang tamang kaunlaran
pag-unlad lang sa ilang mayaman
at dusa sa mayorya ng bayan

walang maiiwan kahit dukha
sa nais na pag-unlad ng bansa
kasama kahit na walang-wala
at may panlipunang hustisya nga

wastong pag-unlad, lahat kasama
tao muna ang dapat sistema
di negosyo lang at bahala na
sa buhay mong pulos pagdurusa

di makasariling kaunlaran
ang nais natin sa buong bayan
pagkat ang tunay na kaunlaran
ay ang may hustisyang panlipunan

- gregoriovbituinjr.
03.09.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo