Sa pag-ihi

SA PAG-IHI

bakit ka iihi sa kalsada
lalo sa kahabaan ng EDSA
aba'y di mo na talaga kaya?
at nasa pantog mo'y lalabas na?

pinaskil: "Bawal Umihi Dito"
nilagay sa daanan ng tao
huwag umihi saan mo gusto
ito'y paalala namang wasto

pag namultahan, aba'y magastos
kaya paskil ay sundin mong lubos
parang sinabing "Huwag kang bastos"
sa trapong laos, dapat makutos

sa magkabila'y huwag umihi
pantog man ay nanggagalaiti
humanap ng C.R., magmadali
lagi nating habaan ang pisi

kaya ihi'y talagang tiisin
kaysa naman tayo'y pagmultahin
ng kung sinong nais kumita rin
kaya saan may C.R., alamin

halina't umihi lang sa tama
nang di maabala ng kuhila
o buwitreng animo'y tumama
sa lotto pag multahan kang bigla

- gregoriovbituinjr.
03.10.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa isang bangketa sa EDSA

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo