Salot na kontraktwalisasyon ay iskemang linta

SALOT NA KONTRAKTWALISASYON AY ISKEMANG LINTA

tunay na salot sa manggagawa
ang kontraktwalisasyong malubha
walang seguridad sa paggawa
benepisyo ng obrero'y wala

kontrata'y apat o limang buwan
di paabuting anim na buwan
sa kapitalista nga'y paraang
di maregular sa pagawaan

kontraktwalisasyon ay iskemang
inimbento ng kapitalista
manpower agencies, likha nila
upang magsamantala talaga

upang karapatan sa paggawa
ay maikutan nila't madaya
iskema itong kasumpa-sumpa
para sa tubo, iskemang linta

dugo't pawis ng obrero'y dilig
sa pagawaan, sakal sa leeg
obrero, kayo'y magkapitbisig
upang iskemang ito'y malupig

laway lang ang puhunan, pera na
manpower agencies ay kaysaya
walang gawa, bundat pa ang bulsa
lintang tunay sa sahod ng masa

durugin ang kontraktwalisasyon
wasakin na ang salot na iyon
sa manggagawa, ito ang misyon
kung nais na sila'y makaahon

kaya manggagawang kandidato
natin sa halalan ay iboto
pag sila'y ating naipanalo
salot ay bubuwaging totoo

- gregoriovbituinjr.
03.10.2022        

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo