Mag-ingat sa tibani at/o tibari

MAG-INGAT SA TIBANI AT/O TIBARI

kumpara sa halibyong o fake news ay anong tindi
ng panlilinlang na gawain ng mga tibani
at/o tibari na sa panloloko nawiwili
katulad ng matamis magsalitang trapo't imbi

kapara'y langgam kung magsalita sila't mangako
upang boto nati'y makuha ng trapong hunyango
na pag nanalo na sila'y talagang napapako
sa matamis nilang salita masa'y nabubuslo

gagawin daw bente pesos ang isang kilong bigas
pabababain daw ang presyo ng kilong sibuyas
kalaban daw ng korapsyon at magiging parehas
sila daw ang dapat mahalal pagkat sila'y patas

buti pa ang tibalyaw pagkat totoong balita
at di halibyong o fake news na sadyang mapanira
sa Kartilya ng Katipunan mababasang sadya
yaong: "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa."

tingnan na lang ang kahulugan nila ng progreso
gawin daw ang Kaliwa Dam nang magkatubig tayo
nagtatayo ng tulay kaya bundok ay kinalbo
lupa'y minina upang tao raw ay umasenso

kaya mag-ingat tayo laban sa mga tibani
at/o tibari, kumbaga layon nila'y mang-onse
upang kumita o mahalal, ganyan ang diskarte
pagkat gawain na nilang tao'y sinasalbahe

- gregoriovbituinjr.
06.11.2023

* nasaliksik mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1248    

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo