Sa ika-10 anibersaryo ng aking tatô

SA IKA-10 ANIBERSARYO NG AKING TATÔ

"Always Somewhere" ang tanging nakasulat
na tatô sa kaliwa kong balikat
sandekada nang naukit sa balat
kasama sa pagkatha't pagmumulat

nagunita ko kung kailan iyon
Hunyo Bente Nuwebe'y petsa niyon
na kapara ang sukat ng balisong
ang tatô ko'y sampung taon na ngayon

mula sa pamagat ng isang kanta
na ang liriko'y kahali-halina
"I'll be back to love you again" ang isa
at "Always somewhere, miss you where I've been" pa

sa isang kasama ipinatatô
dinisenyo kong may ukit na puso
marahil tanda ng aking pagsuyo
"I'll be back" upang pagsinta'y mabuo

"Always somewhere", maraming napuntahan
may Climate Walk na mahabang lakaran
mula sa Luneta hanggang Tacloban
at Paris, Thailand, Tsina, Burma, Japan

naging laman din ng maraming rali
sa lansangan, bangketa, tabi-tabi
sa maraming isyu'y di mapakali
pagkat tibak na Spartan, ang sabi

bagamat malabo na kung tingnan mo
ay di ko buburahin ang tatô ko
kaakibat na nito'y pagkatao
dahil manlalakbay akong totoo

- gregoriovbituinjr.
06.29.2023

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bandalismo

Talaan ng mga sikat na boksingerong namatay sa aksidente sa kotse

Salamat sa alkohol