Telebisyon

TELEBISYON

marahil wala kasing telebisyon
kaya nagagawa ang nilalayon
sinusulat ang mga napapansin
at anumang napagninilayan din

minsan, nakatunganga sa kisame
paksa'y samutsari, di man balanse 
at nakakapagkonsentra talaga
sa pagsulat ng asam na hustisya

buti't walang telebisyon sa bahay
at naisusulat ang tuwa't lumbay
para bang telebisyon na'y balakid
sa nadadalumat, sa nababatid

bagamat minsan, nais kong manood
ng Voltes V na ikinalulugod
upang mabalikan ang nakaraan
ang panahon ng aming kabataan

telebisyon ba'y pampalipas-oras
lalo't di makapili ng palabas
nagti-T.V. rin naman noong araw
nang lumalaban pa si Manny Pacquiao

- gregoriovbituinjr.
06.15.2023

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo