Ang kanyang nakita

ANG KANYANG NAKITA

nakita ko raw ang hinaharap sa panagimpan
kung saan patungo sa buwan ang aking nasakyan
habang tanaw ang mga bituin sa kalawakan
tila umiindak, nagniningning, nagkikislapan

nakita kong ang tangi kong nobela'y nalathala
nobelang hinggil sa pagwawagi ng manggagawa
laban sa sistemang mapagsamantala sa madla
nakita kong kapwa ko'y nanindigan sa adhika

nakita kong ako'y kasamang sumisid sa laot
kailaliman na'y di malinis, nakakalungkot
plastik at upos na naglipana'y katakot-takot
dagat na'y naging basurahan, kahila-hilakbot 

nakita kong nagbubulag-bulagan ang may mata
nakita kong nabibingi-bingihan ang may tenga
walang pakialam kahit naaapi ang iba
di magsasalita basta't marami silang pera

nakita kong ako'y napunta doon sa kawalan  
habang aking mga tula'y binabasa ng tanan
di ko lubos maisip bakit sila'y tinitigan
gayong naroroon lang nakikinig ng mataman

marami akong nakita kahit mata ko'y wala
dahil pisikal na bulag mula pa pagkabata
subalit dama kong may buti sa puso ng madla
na siya nilang ginamit laban sa masasama

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain