Pagtahak sa talampas at talibis

PAGTAHAK SA TALAMPAS AT TALIBIS

nakakasalubong kita sa panaginip
habang sa kalumbayan, ako'y iyong sinasagip
masaya man sa buhay, minsan ako'y naiinip
pagkat magandang diwata ang laging nasa isip

nilalakbay ko ang iba't ibang lugar sa mundo
nang di dahil sa pagsakay sa barko't eroplano
kundi sa pagbabasa lang ng samutsaring libro
na sa maraming dako nga'y inihahatid ako

naroroong susulatin ang bawat karanasan
habang sa dagat, basura't upos ay naglutangan
kapwa tao ba'y atin pa bang nauunawaan
bakit ba tahanang mundo'y ginagawang tapunan

sa aking paghimbing, nakikita ko ang diwata
kaysarap kasama habang sa ganda niya'y tulala
sa aking paggising, hinahanap-hanap ko ang mutya
tulad ng anghel na inaabangan kong bumaba

narito pa ring isang nobela ang binabalak
habang talampas at talibis yaong natatahak
ginagabi'y naglalakad pa rin sa isang lambak
nang bagong kabanata ng nobela'y pinanganak

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo