Pagtatanim sa paso

PAGTATANIM SA PASO

patuloy pa rin ang pagtatanim sa munting paso
ng mga gulayin bakasakaling mapalago
kaya laging dinidiligan ng buong pagsuyo
at alagaang mabuti upang di mangatuyo

nagtanim-tanim na rin sa panahong may pandemya
kahit nasa kalunsuran ay naging magsasaka
upang balang araw ay may mapipitas na bunga
may pang-ulam tulad ng alugbati, talong, okra

dapat lang talagang tayo'y magsipag at magsikap
upang magbunga ang ating mga pinapangarap
at maaalpasan din ang nararanasang hirap
pag nagbunga ang tinanim ay sadyang anong sarap

may makakain sakali mang nawalan ng sahod
sa mga community pantry'y di basta susugod
ipagmalaki mong naging magsasaka sa lungsod
kaya pagtatanim sa paso'y ating itaguyod

habang nagpapatuloy pa rin sa bawat adhika
upang makataong lipunan ay itayo ngang sadya
sama-samang pagkilos at nagkakaisang diwa
ng karaniwang tao, ng dukha, ng manggagawa

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo