Pag wala nang tula

PAG WALA NANG TULA

pag wala nang tulang na-upload, ako'y hanapin na
tanungin kung anong nangyari, ako ba'y buhay pa?
ako ba'y may karamdaman o kaya'y nadisgrasya?
o makata'y nakulong muli sa rehas na hawla?

tandang buhay pa ako pag may pinadalang tula
tandang kumikilos pa ako kahit walang-wala
tandang malinaw pa rin ang isipan at adhika
tandang kumakatha pa rin kahit laging tulala

sa malao't madali'y baka ako na'y mamatay
lalo't nasa pandemya'y di natin masabing tunay
di na makatula lalo't naroon na sa hukay
tanungin mo, nahan ang makata ng saya't lumbay

malalaman din ng masa kung nawala na ako
dahil wala na ang mga tulang nagseserbisyo
sa tao, sa bayan, sa dukha, sa uring obrero
hanapin baka ako lang ay nasa kalaboso

maraming salamat, taos-pusong pasasalamat
sa kapwa dukha, sa manggagawa, sa lahat-lahat
at nakasama kayo sa gawaing pagmumulat
upang lipunang makatao'y pangaraping sukat

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bandalismo

Talaan ng mga sikat na boksingerong namatay sa aksidente sa kotse

Salamat sa alkohol