Fr. Oscar Ante: Pari, Guro, Kaibigan

FR. OSCAR ANTE, PARI, GURO, KAIBIGAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 19, 2024 nang ibinalita sa akin ni kasamang Thorvix na namatay na si Father Oca, o Fr. Oscar Ante, OFM, na matagal ko ring nakasama sa simbahan sa Bustillos.

Dalawa ang simbahan sa Bustillos St., sa Sampaloc, Maynila. Ang malaki ay ang Our Lady of Loreto Parish, at ang maliit ay ang St. Anthony Shrine, na kilala ring VOT. Natatandaan ko pa ang nakasulat sa kisame ng St. Anthony Shrine: Devs Mevs Et Omnia. Walking distance lang ito sa aming bahay.

Hayskul pa lang ako'y aktibo na sa simbahan. Noong 1984 ay ipinasok ako ng aking ama, na kasapi ng Holy Name Society, sa tatlong araw na live in seminar na CYM (Catholic Youth Movement) sa Loreto Parish. Pinangasiwaan ang seminar na iyon ng Holy Name Society. Matapos iyon ay napasama na ako sa Magnificat choir, na umaawit tuwing Linggo sa Loreto church, na pawang mga taga-Labanderos Street ang kumakanta.

Subalit sa kalaunan ay sa St. Anthony Shrine ako naging aktibo, dahil pawang matatanda ang nasa Loreto Parish. Marami kasing kabataan ang naglilingkod sa simbahan ng VOT noon. At doon ko nakilala si Father Oca. Ang OFM sa dulo ng kanyang pangalan ay Order of Franciscan Minors.

Sa VOT ko rin nakilala si Father Greg Redoblado na hindi pa pari noon, na nasaksihan ko rin ang kanyang pagiging pari sa isang seremonya sa VOT. Nag-lector ako at nakilala ang mga mang-aawit sa simbahan, lalo na ang Pinagpala Choir. Minsan na rin akong gumanap sa isang dula na pinanood ng mga taga-simbahan. Ang dulang Father Sun, Sister Moon, na ang bida ay gumanap na St. Francis ng Assisi, habang isa naman ako sa gumanap na kasama ni St. Francis. Kaya nasubukan ko ring magsuot ng brown na abito. Ang nakababata ko namang kapatid ay naging sakristan sa VOT.

Minsan, nag-uusap kami ni Father Oca na nakaupo lang sa tapakan ng hagdan papasok sa opisina ng simbahan. Doon ay nagkukwentuhan, at kung hindi mo siya kilala ay aakalain mong hindi pari at tambay lang sa kanto ang iyong kausap. Simpleng manamit. Simpleng kausap. Ngunit matalas pag nakinig ka sa kanyang sermon sa homily, dahil hindi lang pansimbahan kundi isyung panlipunan ang kanyang tinatalakay.

Sa kanya ko nga nabatid na may itinatayo noong malaking kilusan na tinawag na Siglaya, subalit hindi iyon naging katuparan. Hanggang sa ibang kilusan ay naging aktibo ako, lalo na sa eskwelahan kung saan ako'y bahagi ng campus paper at nahalal na opisyales ng grupong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) na dating LFS-NCR.

Dahil ako'y aktibo, isinama ako nina Father Oca sa dalawang linggong imersyon sa Lamitan, Basilan sa Mindanao, sa kumbento ng mga pari, na malapit sa Campo Uno na headquarters ng Philippine Marines. Doon ko nakilala si Fr. Al Villanueva na siyang aktibo roon. Isinama rin kami nina Father Oca sa Lungsod ng Isabela sa Basilan at kinausap namin ang retiradong Obispo na si Jose Ma. Querexeta. Tatlong araw iyon bago ang Earth Day.

Natatandaan kong nakangiting tinanong kami ni dating obispo Querexeta kung bakit kami nandoon sa Basilan gayong mas mabuting manatili sa Maynila. Pagkatapos, hinikayat niya kaming lumahok sa funeral march para sa darating na Earth Day. Ang nasabing funeral march ay pinangunahan ng Basilan Green Movement, Inc. Bakit funeral march? Ayon sa obispo, walang dahilan upang ipagdiwang ang Araw ng Daigdig dahil sinisira ng tao na dapat maging tagapagtanggol ng Mother Earth ang kanyang sariling tirahan. Isa iyon sa nagpamulat sa akin upang maging bahagi ng kilusang makakalikasan nang bumalik sa Maynila.

Isinulat ko ang mga karanasang iyon sa aking kolum sa pahayagang pangkampus. Bilang manunulat ay minsan na rin akong nakapag-ambag ng sulatin sa OFM newsletter, na buwanang pahayagan ng simbahan.

Nang malipat na si Father Oca sa Provincial noong 1995, unti-unti na rin akong hindi nag-aktibo sa St. Anthony Shrine, at mas nag-pultaym na sa kilusang masa, kasama ang grupong Sanlakas, at Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ang huli naming pagkikita ni Father Oca ay noong 2015, dalawang dekada ang nakalipas, nang mapadalaw ako sa St. Anthony Shrine at nakita ko siya. Doon ay binigyan ko siya ng libro kong "Sa Bawat Hakbang" na pawang mga tula hinggil sa sinamahan kong Climate Walk from Luneta to Tacloban. Isa iyong paglalakad mula Kilometer Zero hanggang Ground Zero mula Oktubre 2 hanggang Nobyembre 8, 2014, sa unang anibersaryo ng bagyong Yolanda.

"Tumutula ka na pala ngayon, ah." Sabi ni Father Oca, at pinasulat pa niya sa akin ang celphone number ko.

Halos siyam na taon makalipas ay ibinalita nga sa akin ni kasamang Thorvix na namatay na si Father Oca. Nang tinanong ko kung saan ang burol, ang sagot niya'y nasa ospital pa ang bangkay. Si Thorvix ay matagal kong nakasama sa Kamalayan bilang aktibista.

Kasalukuyang nasa Benguet ako nang ibalita ni Thorvix na namatay na si Father Oca. Maraming salamat sa pagpapaabot, kasamang Thorvix.

Malungkot na balita subalit lahat naman tayo ay mamamatay. Una-una lang. Kaya bilang pag-alala at pagpupugay ay kumatha ako ng tula bilang alay kay Father Oca.

MUNTING TULA PARA KAY FATHER OCA

itinataas ko ang aking kaliwang kamao
bilang tanda ng pagpupugay sa naging ambag mo
sa simbahan, lipunan, at nakasamang totoo
nangaral, di lang God, kundi karapatang pantao

para bagang mga anak ang turing mo sa amin
isyung pambayan sa homily mo'y aming diringgin
sa pagtahak sa mga matitinik na landasin
tulad ng pagtungo sa Basilan na danas ko rin

mga sermon mo'y sadyang matalas, nakahihiwa
lalo't isyu'y Diyos at Bayan, nadaramang sadya
tunay kang kaibigan at magandang halimbawa
sa simbahan at sa bayan ay maraming nagawa

nawala ka man sa mundo, marami mang nalumbay
pahinga ka na, tula man ang aking tanging alay
maraming-maraming salamat po sa payo't gabay
Father Oca, ako po'y taospusong nagpupugay

01.25.2024

* litrato mula sa youtube

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain