Kung bakit hindi Goldilocks cake ang binili ko para sa bday ni misis?

KUNG BAKIT HINDI GOLDILOCKS CAKE ANG BINILI KO PARA SA BDAY NI MISIS?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ikaapatnapung kaarawan ni Misis ngayong Enero 6, 2024. Kabertdey niya ang mga artistang sina Sharon Cuneta, at Casey Legaspi na anak nina Zoren at Carmina. Kabertdey din niya ang namayapa nang si Nida Blanca. Aba, kabertdey din niya ang bayaning Katipunera na si Tandang Sora. At ang pangalan ni Misis ay Liberty. Kasingkahulugan ng inaasam nating Freedom, Independence, Kalayaan, Kasarinlan, di lang mula sa dayuhan, kundi sa pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao.

Sa birthday niyang ito, ibinili ko siya ng cake. Subalit hindi kagaya ng nakagawian niya, hindi ako bumili ng cake sa Goldilocks. Dahil ako ang bibili ng cake, sinabi ko sa kanyang hindi Goldilocks cake ang bibilhin ko. Kaya nag-ikot kami sa Cubao, at napili ni Misis ang cake mula sa TLJ (hindi TVJ o Tito, Vic and Joey) Bakery, o The Little Joy Bakery. Siya ang pumili ng flavor.

Nais kong kahit sa pagbili ng cake ay maipakita ko ang katapatan sa uring manggagawa. Dahil noong taon 2010, nakiisa ako sa welga ng unyon ng Goldilocks. Nagwelga ang mga kasapi ng BISIG (Bukluran ng Independentang Samahang Itinatag Sa Goldilocks) dahil sa isyu ng retrenchment. Ako ay staff naman noon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Sa laban nga ni Pacquiao kay Joshua Clottey ng Ghana, doon kami sa piketlayn ng Goldilocks sa Shaw Blvd. nanood.

Natatandaan ko't nasaksihan ko, madaling araw nang itinirik ng mga manggagawa ang welga. Natatandaan ko, isa sa isyu ang pagkatanggal ng 127 manggagawa, na nais nilang maibalik sa trabaho. Natatandaan ko, nakiisa at natulog din ako sa piketlayn nila. Naglabas din kami ng nasa 100-pahinang aklat hinggil sa nasabing welga. Natatandaan ko, naroon kami hanggang matapos ang welga.

Bagamat matagal nang tapos iyon, hindi pa rin ako bumibili ng cake sa Goldilocks. Ni anino ko ay ayokong makitang nasa loob ng bilihan ng Goldilocks. Nais kong maging tapat sa aking sarili at sa manggagawa. Kaya ngayong kaarawan ni Misis, sinabi ko sa kanyang huwag kaming bibili ng cake sa Goldilocks, bagamat hindi ko siya sinasaway kung bumibili siya minsan ng cake sa Goldilocks, lalo't hindi naman ako kasama.

Marahil, mabubuhay pa ako ng ilang taon, at mamamatay nang hindi tumutuntong at bumibili sa Goldilocks upang ipakita na hanggang ngayon, nananatiling may bahid ng dugo ng manggagawa ang bawat cake doon, upang ipakitang sa ganito mang paraan ay maipakita ko ang aking puso, pagdamay at pakikiisa sa laban ng uring manggagawa. Ang paninindigang ito'y kinathaan ko ng tula.

di Goldilocks cake ang binili ko
para kay misis sa birthday nito
hanggang ngayon ay nadarama ko
bawat cake na nagmumula rito'y
may bahid ng dugo ng obrero

lalo't kaisa ako ng unyon
nang sila'y magsipagwelga noon
ni-retrench ang manggagawa roon
hanggang ngayon, ito'y aming layon
paglaya ng manggagawa'y misyon

01.06.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bandalismo

Talaan ng mga sikat na boksingerong namatay sa aksidente sa kotse

Salamat sa alkohol