SIBI at LAOG

SIBI AT LAOG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bigyang pansin natin ang dalawang salitang bago sa ating pandinig, na marahil ay ginagamit na salita sa lalawigan.  Ito ang SIBI at ang LAOG.

Sa ikatlong Krosword sa pahayagang Abante, Enero 15, 2024, pahina 7, ay nakita natin ang SIBI na siyang lumabas na sagot sa 28: Pababa na ang tanong ay BALKON.

Sa Diwang Switik naman na palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, Enero 16, 2024, pahina 7, ay nakita natin kung ano ang LAOG. Iyon kasi ang lumabas na sagot sa 12: Pababa na ang tanong ay LAYAS.

Ang kahulugan ng SIBI, mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino (DFF), na inedit ni Ofelia De Guzman, ay: habong na nakakabit sa gilid ng bahay, balkon, balkonahe. 

Sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF) naman, pahina 1131, ang SIBI ay salitang arkitektura na nangangahulugang 1: nakahilig na silungan. karaniwang nakakabit sa dingding ng isang bahay o nakadugtong sa bubong (na ang iba pang salita ay: awning, balawbaw, gabay, medyaagwa, palantikan, panambil, sibay, suganib, suyab, suyak); 2. dagdag na bahagi sa tunay na bahay. Kumbaga, ito'y espasyo itong naging ekstensyon ng bahay. May tuldik ito sa unang pantig kaya ang diin ay sa SI, kaya mabagal ang bigkas. Walang impit sa ikalawang pantig.

Ang iba pang entri na SIBI ay malayo na sa kahulugang balkon, kundi ngiwi, at ayos ng bibig na tila nagpipigil umiyak.

Nabanggit lang ang balkon sa DFF ngunit hindi sa UPDF. Wala namang LAOG sa DFF.

Sa UPDF, pahina 677, may tatlong entri ang LAOG. Ang una'y may tuldik sa unang pantig habang ang ikalawa't ikatlo ay sa ikalawang pantig ang tuldik. Ibig sabihin, dahil may tuldik, magkaiba ng bigkas ang una, kaysa ikalawa't ikatlo. Tunghayan natin ang kahulugan ng LAOG.

láog (pangngalan, salitang Heograpiya, Sinaunang Tagalog): maliit na lawa

laóg (pangngalan, salitang Bikol): loob

laóg (pang-uri) 1: mailap o ilahas, karaniwang patungkol sa pusa; 2: (salitang Meranaw at Tagalog) pagala-gala upang maghanap ng pagkain o makipagsapalaran.

Ang ikatlo ang nangangahulugang LAYAS. Dahil nasa pangalawang pantig ang tuldik, mabilis ang bigkas. Ang diin ay nasa OG.

Mga lumang salita o salitang lalawiganin ang SIBI at LAOG. Para sa akin, mahalaga ang mga salitang ito na nakakasalubong ko lang sa mga palaisipan at hindi sa aktwal na usapan. 

Mahalaga ang mga salitang ito hindi lang upang masagutan natin ang palaisipan o krosword, kundi baka balang araw ay gamitin natin ang mga ito sa pagkatha ng maikling kwento, ng tula, pagsulat ng sanaysay, o kaya'y naghahanap tayo ng mas tapat na salin ng isang salita.

Sinubukan kong gawan ng tula ang dalawang salitang ito:

1

SIBI

anong silbing mabatid ang sibi?
ngayon ba'y mayroon itong silbi?
doon kaya'y anong sinusubi?
may tinago ba doon kagabi?

minsan nga, sa bahay ay may balkon
madalas nagpapahinga roon
nakaupo, utak ay limayon
diwa'y kung saan napaparoon

minsan din, sa balkon ang huntahan
kapag may bisita sa tahanan
kapag dumalaw ang kaibigan
at marami pang napag-usapan

kaya iyan ang silbi ng sibi
ang maghuntahan sa balkonahe
o pahingahan sa hatinggabi
nasa diwa'y anu-anong siste


LAOG

ang mga laog ang mga layas
na di mo alam ang nilalandas
ang laog kaya'y makaiiwas
pag nakasalubong niya'y ahas

sila ba'y makalumang lagalag
Samwel Bilibit, di mapanatag
lakad ng lakad, nababagabag
ngunit wala namang nilalabag

o naghahanap ng makakain
nang pamilya nila'y di gutumin...
tinulak ng tadhana sa bangin?
silang mga kapit sa patalim?

sila ba'y mga manhik-manaog
sa ibang bahay upang mabusog?
kailan ba sila mauuntog
upang pangarapin ang kaytayog?

01.16.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bandalismo

Talaan ng mga sikat na boksingerong namatay sa aksidente sa kotse

Salamat sa alkohol