Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa 2026

Payò sa panaginip

Imahe
PAYÒ SA PANAGINIP kagabi'y napanaginipan ka payo'y gamitin ko ang gitara aking mga tula'y gawin kong kanta bakasakaling dito magkapera batid mong walang salapi sa tulâ kahit tambak-tambak ang aking kathâ salamat sa payo, sintang diwatà tumutulong kahit ikaw na'y walâ salamat sa gitara mong binili at sa akin, ito'y magkakasilbi aawitin yaong tinig ng api lalo't sa bayan alay na'y sarili salamat, sinta ko, sa iyong payò bagamat yaring puso'y nagdurugô - gregoriovbituinjr. 03.10.2026

Awit sa tanaga baybayin

Imahe
‎AWIT SA TANAGA BAYBAYIN ‎ ‎tanaga baybayin ‎aking aawitin ‎sariling sulatin ‎ng ninunô natin ‎ ‎tiyagain lamang ‎ang paggigitara ‎makakalikhâ rin ‎ng sariling kanta ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.10.2026 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1D5ZMrpda5/       

Ikasampu, ika-10

Imahe
‎IKASAMPU, IKA-10 ‎ ‎walang gitling ang ikasampu ‎iyan ang wasto pag nagdugtong ‎ang panlapi't salitang ugat ‎balarila'y alam mo dapat ‎ ‎may gitling na pag ika-10 ‎iyan ang wastong pagdurugtong ‎ng panlapi at ng numero ‎balarila'y batid mo dapat ‎ ‎ikasampu ngayon ng Marso ‎ika-10 ngayon ng Marso ‎pansinin mo ang gamit nito ‎balarila'y tinurò ito ‎ ‎meron ka sanang natutunan ‎sa abang makatâ ng bayan ‎túrong ito'y pakatandaan ‎nang wasto'y gamitin ng tanan ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.10.2026 ‎ ‎*litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

"Happy Women's Day", ani tennis star Alex Eala

Imahe
"HAPPY WOMEN'S DAY", ANI TENNIS STAR ALEX EALA ‎ talagang kayhusay / ni  Alex Eala ‎‎noong si  Coco Gauff  / ay tinalo niya mapagpakumbaba / ang ating atleta nang magtalumpati'y / binati ang ina ‎ ‎at iba pang ina, / sa kababaihan ‎nag- Happy Women's Day , / sadyang kainaman ‎inspirasyon siya / ngayon nitong bayan ‎nang dahil sa mga / napagtagumpayan ‎ ‎kaya taas-noo / akong nagpupugay ‎kay  Alex Eala , / inspirasyong tunay ‎bagong sports hero / ang atletang Pinay ‎mabuhay ka, Alex! / mabuhay! mabuhay! ‎ ‎ksysarap marahil / maglaro ng tennis ‎sa palo ng bola'y / di dapat magmintis ‎dapat araw-araw / talagang magpraktis raketa't pagpalo'y / gamaying mabilis ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.10.2026 ‎ ‎* litrato mulâ sa ABS-CBN News sa fb

Kaharapin ma'y kahirapan

Imahe
KAHARAPIN MA'Y KAHIRAPAN ‎ ‎tibak akong naninindigan ‎para sa pag-unlad ng bayan ‎ngunit di para sa iilan ‎kundi para sa panlahatan ‎ ‎kaytagal kong pinagnilayan ‎ang prinsipyo't pasya kong iyan ‎sama-samang kilos ng tanan ‎sama-sama ang taumbayan ‎ ‎wakasan na nating tuluyan ‎ang kabulukan ng lipunan ‎iyan ang prinsipyo kong tangan ‎kaharapin ma'y kahirapan ‎ ‎dapat ay walang naiiwan ‎may panlipunang katarungan ‎ginagalang ang karapatan ‎itayo'y patas na lipunan ‎ ‎wakasan na ang kurakutan ‎pati dinastiya't gahaman ‎paunlarin natin ang bayan ‎panlahat, di para sa ilan ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.10.2026    

11 titik na sagot sa krosword

Imahe
‎11 TITIK NA SAGOT SA KROSWORD ‎ ‎nakatutuwâ minsan ang palaisipan ‎pag mga salita'y nagsanga-sangandaan ‎Pahalang: KAHALAGAHAN, KASALUKUYAN ‎Pababa: KALIGAYAHAN, KATAGALUGAN ‎ ‎ang krosword ay di lamang pampalipas-oras ‎kundi isipan natin ay pinatatalas ‎kumbaga ito'y ehersisyong pampalakas ‎ng utak, kung sa pagkain ay panghimagas  ‎ ‎bagamat  "ka"  ang unang pantig ng salitâ ‎at  "an"  naman ang sa dulong salitâ, tugmâ ‎wastong panlaping gamit sa mga katagâ ‎karaniwan sa ating katutubong wika ‎ ‎sumasagot ng krosword sa araw at gabi ‎ang makatang sa sambayanan nagsisilbi ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.09.2026 ‎ ‎* krosword mulâ sa pahayagang Abante Tonite, 01.06.2026, p7    

Bunga, bungi, bungô

Imahe
‎BUNGA, BUNGI, BUNGÔ ‎ ‎iba't ibang patinig ‎sa dulo ng salitâ ‎palaisipang ibig ‎kong masagutang sadyâ ‎ ‎ano kayâ ang sagot? ‎ BUNGA ,  BUNGI , o  BUNGÔ ? ‎ano ang bungang dulot? ‎nabungi o nagdugô? ‎ ‎krosword pag sinagutan ‎ay dapat mong alamin ‎ang Pababa't Pahalang ‎nang tamang sagot kamtin ‎ ‎ganyan lang, katoto ko ‎at masasagutan mo ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.09.2026

Balakin ng makatang taring

Imahe
BALAKIN NG MAKATANG TARING ‎ ‎isang nobela ng pag-ibig ‎at araw-araw na pagtulâ ‎mga adhikang nakasandig ‎sa kalooban, puso't diwà ‎ ‎napakapayak na pangarap ‎na ninanais kong maabot ‎kahit gaano pa kahirap ‎danasin ma'y kayraming gusot ‎ ‎kwento ng masa'y susulatin ‎hanggang maging nobela ito ‎tulâ sa dukha'y kakathain ‎na araw-gabi'y gawain ko ‎ ‎patuloy akong magpapawis ‎kaharapin ma'y kahirapan ‎sa kabilâ ng dusa't amis ‎ito'y mapagtatagumpayan ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.09.2026 ‎ ‎* mga litrato mula sa larong Word Connect sa selpon

Sa pagitan ng mga ilaw

Imahe
SA PAGITAN NG MGA ILAW ‎ ‎sa pagitan ng mga ilaw ‎narito'y tibak ng lansangan ‎na nadarama'y pamamanglaw ‎nasa diwa'y  "bakit ba ganyan?" ‎ ‎patuloy ang pangungurakot ‎ng trapong ibinoto ninyo! ‎patuloy ang sistemang buktot ‎kailan pa ang pagbabago? ‎ ‎ngunit tuloy ang pangangarap ‎ng isang sistemang parehas ‎na walang trapong mapagpanggap ‎itatayo'y lipunang patas ‎ ‎kayâ tara, mga kasama ‎patuloy na mag-organisa ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.08.2026 (International Women's Day) * selfie pataas sa UP Film Center, 03.06.2026

Pag nanalo pa iyang bastos sa halalan

Imahe
PAG NANALO PA IYANG BASTOS SA HALALAN pag nanalo pa iyang bastos sa halalan ay baka bulag na ang kanyang mamamayan hinayaang bastusin ang kababaihan ayuda'y pikitmatang tatanggapin na lang mabuti na lang,  Anne Curtis , palaban ka rin pagkat di mo hahayaang kayo'y bastusin ng trapong sa babae'y kaybaba ng tingin trapong asal-manyak kung ating iisipin maraming salamat, Anne, at nanindigan ka laban sa mambabatas kuno, bastos pala laban sa isang mapanirang kongresista laban sa pulitikong dapat ibasura larawan ng ating ina bawat babae dapat respetuhin, mayaman man o pobre ibagsak sa botohan ang trapong salbahe trapong ilampaso anuman ang mangyari - gregoriovbituinjr. 03.08.2026 (International Women's Day) * ulat mula sa pahayagang Bulgar, 03.08.2026

Dalawang sine hinggil sa Philippine-American War

Imahe
DALAWANG SINE HINGGIL SA PHILIPPINE-AMERICAN WAR Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr. Kahapon, Marso 6, 2026, ay napanood ko ang dalawang dokumentaryo / pelikula hinggil sa  Digmaang Pilipino-Amerikano , lalo na ang  Bud Dajo massacre . Talagang inabangan ko ito. Ang dalawang ito'y ang  Memoirs of a Forgotten War , at ang  Cinemartyrs . Ang direktor ay si  Sari Dalena . Nabanggit na  ika-120 anibersaryo ng Bud Dajo massacre  ng araw na iyon. Mula sa isang presscon na pinamagatang  "Defending the Defenders"  na hinggil sa karapatang pantao, ay agad kong hinabol ang nasabing historical dokyu. Alas-kwatro ang simulâ kayâ alas-tres pa lang ay umalis na ako sa 1-4pm na presscon. Marahil, naisip ng ilang kasama, bakit kaya ako nagmamadaling umalis? Tantiya ko kasi, kahit malapit lang, ay baka maleyt ako dahil sa trapik. Dumating ako sa Cine Adarna ng ika-4:10 ng hapon. Naabutan ko pa ang pamagat na War. Di na ako dyuminggel at naghan...

Minsan nga'y may ganitong panahon

Imahe
MINSAN NGA'Y MAY GANITONG PANAHON minsan nga'y may ganitong panahon pag walang trabahong salin, gutom pag walang benta ng libro, gutom sa diwa'y paano makaahon natira sa tuyo'y di tinapon tuyong biklad at sapsap inipon minsan, bibili ng dahon-dahon upang maiulam sa maghapon bibilhin ay talbos ng sibuyas kamatis, bawang, ulam na wagas nasasadiwa'y payo ng pantas habang asam ay lipunang patas tinik, buntot at ulo ng sapsap at tuyong biklad, ayos nang ganap dadaan lang sa dila, kaysarap at buhay na'y di aandap-andap dapat mag-ipon ng pamasahe lalo't dapat magtungo sa rali o lakarin ang mahabang kalye upang magkaroon pa ng silbi - gregoriovbituinjr. 03.07.2026    

Ang tatlo niyang punò

Imahe
ANG TATLO NIYANG PUNÒ natutunan niya noong siya'y bata pa paanong pagtanim ng puno'y mahalaga para sa kabuhayan ng kanyang pamilya tulad ng alagang apitong, nara't mangga iyon ang tatlo niyang punong pamana pa ng di na niya naabutang lolo't lola at inalagaan ng kanyang ama't ina ang pangangalaga'y sa kanya naipasa dahil sa sipag ng kanyang mga ninunò mulâ binhi, tinanim, dinilig, lumagó pamilya'y di nagutom, nanatiling buó nakapag-aral sila't buhay ay nahangò nabenta ang kahoy ng apitong at nara punò ng mangga'y patuloy na namumunga panibagong puno'y itinanim pa nila para sa mga henerasyong susunod pa - gregoriovbituinjr. 03.07.2026 * litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Sa ika-10 Black Friday Protest ng 2026

Imahe
SA 10TH BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026 patuloy ang panunuligsâ sa kurakot di natin titigilan ang mga balakyot kawatan sa pondo ng bayan silang buktot lahat ng sangkot sa korapsyon ay managot! panunuligsâ rin sa mga lumalabag sa karapatan, at sa rali ay bumihag ng dalawang walang pagkakasalang tibak kundi tuligsain ang lipunang bulagsak - gregoriovbituinjr. 03.06.2026 * kuha sa media conference hinggil sa paksang "Defending Defenders" sa Lungsod Quezon, 03.06.2026

Plakard na may baybayin - tanaga-baybayin

Imahe
plakard itong ginawâ sa pagkilos mamayâ plakard na may baybayin ay itaguyod natin - gbj/03.06.2026 tanaga-baybayin

Makatâ sa kalsada - tanaga-baybayin

Imahe
makat â  sa kalsada sa rali sumasama bumibigkas tuwina ng tul â  ng pagbaka - gbj/03.06.2026 tanaga-baybayin

Pagpupugay sa Buwan ng Kababaihan!

Imahe
PAGPUPUGAY SA BUWAN NG KABABAIHAN! nagpupugay akong taas-noo at narito ring taas-kamao sa kababaihan nitong mundo sa kanilang Buwan ngayong Marso kayo'y pawang mga magigiting lola, ina ng mga tsikiting tita, ate, utol, dalaginding babae, bayani kung ituring kayo'y kalahati ng daigdig ayaw paapi sa manlulupig mga kurakot ay inuusig sa hustisyang asam tumitindig mabuhay kayong mga babae katuwang naming mga lalaki upang buhay sa mundo'y umigi upang lipunan ay mapabuti - gregoriovbituinjr. 03.06.2026    

Walâ mang magbasa ng aking mga akdâ

Imahe
WALÂ MANG MAGBASA NG AKING MGA AKDÂ walâ mang magbasa nitong aking mga akdâ walâ mang makinig sa pagbigkas ko ng tulâ eh, ano? magpapatuloy ako sa paglikhâ kwento, sanaysay, tulâ, ganyan ang mangangathâ tulâ ng tulâ ng tulâ ng tulâ ng tulâ akdâ ng akdâ ng akdâ ng akdâ ng akdâ kathâ ng kathâ ng kathâ ng kathâ ng kathâ likhâ ng likhâ ng likhâ ng likhâ ng likhâ bebentahan ko kayo ng aklat ko ng tulâ upang may pambili ng kilong bigas at isdâ sana'y bili kayo ng aklat kong kathang diwà na pag nabasa n'yo'y tiyak kayo'y matutuwâ abang makatâ sa panahon ng dusa't luhà kasamang bumabaka sa panahon ng digmâ tumutulong sa masa sa panahon ng sigwâ tuligsa'y mga kurakot na sanhi ng bahâ - gregoriovbituinjr. 03.05.2026

Nilagang dahon at tangkay ng malunggay

Imahe
NILAGANG DAHON AT TANGKAY NG  MALUNGGAY bente pesos ang apat na tangkay ng nabiling dahon ng malunggay na aking pinakuluang tunay sa kalusugan ay pang-alalay kayrami pa kasing susulatin dapat diwa't puso'y palusugin ideya pa'y aanalisahin isyu ng dukhâ pa'y ninilayin kayâ ako'y nagpapasalamat sa aking kasanggang di masukat pagkat malunggay lang ang katapat ika ngâ, pagsasamang maluwat tara, patuloy pa ring tumulâ yaong sabi ng abang makatâ gagaling din ang sugat ng diwà at giginháwa rin sa pagkathâ - gregoriovbituinjr. 03.04.2026

Nagmumurang kamatis at talbos ng sibuyas

Imahe
NAGMUMURANG KAMATIS AT TALBOS NG SIBUYAS nagmumurang kamatis at talbos ng sibuyas sa tulad kong matipid ngunit di mapagwaldas nabili'y bente pesos bawat tumpok, nagmura piraso'y labing-apat na kamatis kanina at gayon din ang presyo ng talbos ng sibuyas lalakas kang totoo ulam na't panghimagas ulam na payak sadyâ nitong makatang taring lalo na't siya'y walâ doon sa toreng garing - gregoriovbituinjr. 03.04.2026

Ilog

Imahe
ILOG kayrami rin pala nating salawikain hinggil sa ilog na dapat nating alamin na bakasakaling makatulong sa atin paano mo tatawirin ang  Ilog Pasig kung walang tulay? kung may bangka walang katig? kung meron man, paggaod ba'y kaya ng bisig? ang tahimik na ilog umano'y malalim pag maingay ang tao, walang tagong lihim kung kayang languyin, ilog ba'y lalanguyin? ang ilog ay di lamang iisa ang pampang sa lubog ng lupà, ito'y naging pagitan daluyang tubig, pampang ay magkabilaan nais ko ring maligo't magbabad sa ilog tanggalin ang libag, katawan ay ilubog habang sa diwa'y may ideyang nangingitlog - gregoriovbituinjr. 03.04.2026 * litrato mula sa Bulgar, 08.17.2025, p.9

Kalye

Imahe
KALYE kayraming tao sa kalye magtatahô, bumibili may batang hamog, pulubi may dumaraang dyip, kotse may tulad kong nagrarali may mga bata't babae magagandang binibini ang naglalakad sa kalye maralitâ, trabahante manggagawa, pahinante at mayroon ding salbahe kaytindi kung dumiskarte ang nagtitinda sa kalye ay kumikita, di lugi simpleng buhay, ganyan kami sa araw man o sa gabi - gregoriovbituinjr. 03.04.2026 * litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Sa gabing pusikit

Imahe
SA GABING PUSIKIT eklipse'y di matanaw ano ang paliwanag? tanging poste ng ilaw ang sa gabi'y bumasag eklipse raw ng buwan kayâ gabi'y pusikit tanaw mo ang karimlan walang talà sa langit ginawâ ko'y nagnilay sa mga nagaganap anong aking palagay sa laban ng mahirap tama lang makibaka labanan ang gahaman at mapagsamantala nang hustisya'y makamtan pusikit man ang gabi makata'y gising pa rin kayraming namumuni mamaya na'y hihimbing - gregoriovbituinjr. 03.03.2026

Pagtulâ sa rali

Imahe
PAGTULÂ SA RALI bibigkas ng tulâ ang abang makatâ samutsaring paksâ sa harap ng madlâ doon sa lansangan Mendiola man iyan paksa ko'y lipunan baguhing tuluyan doon lang sa rali bigkasing maigi bulok ay iwaksi mundo'y mapagbuti plakard ang tangan ko pag tumulâ ako sa harap ng tao sa harap ng mundo - gregoriovbituinjr. 03.03.2026 * mapapanood ang kalahating minutong bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/1BjnJGHYGs/  

Ang tugmaan sa tulâ kong "Pluma't Kwaderno"

Imahe
ANG TUGMAAN SA TULÂ KONG "PLUMA'T KWADERNO" Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Sinubukan kong kumathâ ng tulang may iba't ibang tugmaan. Magkatugmâ ang dalawang magkakasunod na taludtod sa loob ng apat na saknong. Inihalimbawà ko ang taludturan sa  Shakespearean (English) sonnet  at sa  Petrarchan (Italian) sonnet . Sa Shakespearean ay may tugmaang A-B-A-B, C-D-C-D, E-F-E-F, at G-G, habang sa Petrarchan sonnet naman ay may tugmaang A-B-B-A, A-B-B-A, C-D-E, C-D-E. Ang dalawang nabanggit ay soneto, o tulang may tugma't sukat at labing-apat na taludtod. Ang aking kinatha'y may labing-anim na taludtod sa apat na saknong. Ang ginawà kong tugmaan sa tulang  "Pluma't kwaderno"  ay: A-A-B-B, C-C-D-D, E-E-F-F, at G-G-H-H. Narito ang nasabing tula: PLUMA'T KWADERNO palagi akong may dalang pluma't kwaderno sa bulsa at sa bag, lalo na't handang magsulat ang mangangathâ sa dadaluhan kong pulong ay ilalabas na iyon susulat ng katitikan o m...

Pluma't kwaderno

Imahe
PLUMA'T KWADERNO palagi akong may dalang pluma't kwaderno sa bulsa at sa bag, lalo na't handang magsulat ang mangangathâ sa dadaluhan kong pulong ay ilalabas na iyon susulat ng katitikan o mga napag-usapan at sa paghabi ng kwento at tulâ, handang totoo itatala'y nasa isip upang di iyon mawaglit dinanas ng aping uri dahil sa trapong kadiri sa akda'y pinagbubuti upang sa bayan magsilbi - gregoriovbituinjr. 03.03.2026

Nahuli na namang Barok ang pamagat

Imahe
NAHULI NA NAMANG BAROK ANG PAMAGAT imbes  "2 raliyistang inaresto..." ay  "2 raliyista na inaresto..." batid agad di Pinoy ang nagsulat nito orihinal sa Ingles, isinalin ito ng  A.I. , kaya naging  Barok  ngang totoo panahon pa ba ng Kastila, kaya ganyan sila? "dalawa raliyista na inaresto, laya na" balitang Pinoy na binarok, dapat itama na sa  "dalawang raliyistang inaresto, laya na" iyan ang hirap pag tamad ang nagsasalin google translate  o  A.I.  na ang gagamitin nagiging  Barok  tuloy ang salita natin tila baga  Kastilaloy  ay uso pa rin di ba nakikita ng editor ang ganyan? dahil mabilisang ulat, hinahayaan? Barok ang A.I.  sa pagsalin ng salitâ huwag asahan ang A.I. sa  Salin-Wikà kung Pinoy ang nagsulat ay mahahalatâ ngunit kung A.I., wika'y binabalahurà - gregoriovbituinjr. 03.02.2026

Total lunar eclipse sa Marso 3, 2026

Imahe
TOTAL LUNAR ECLIPSE SA MARSO 3, 2026 napabalita sa isang pahayagan total lunar eclipse ay masasaksihan at makikita natin sa kalawakan isang astronomikal na kaganapan kung saan ang sabi'y tatakpan ng buwan ang anino ng mundo mula sa araw daigdig ay direktang nasa pagitan ng araw at buwan, kaya ang anino ng daigdig ay lubos na tumatakip sa buwan, at sinasalà ng liwanag ng araw ang ating atmospera, buwan naman ay magmumukhang mamula-mula ang sabi pa'y ligtas itong panoorin ng karaniwang mata lamang, di tulad ng solar eclipse na kinakailangan mong magsalamin, proteksyunan ang mata isang oras umano ang itatagal niyong pinakamatingkad na bahagi ng eklipse't magpapakita ang buwan ng kakaibang pula at maliwanag isa ngang pagkakataong pambihirà para sa tulad kong Bituin at makatâ ang ibinalita ng astronomiya isang paksang nais kong pag-aralan pa - gregoriovbituinjr. 03.02.2026 * tula't ulat batay sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 27, 2026, p.7

Nakakapagod mang magsulat

Imahe
NAKAKAPAGOD MANG MAGSULAT nakakapagod mang magsulat gagawin ko pa rin ang lahat ng kaya kahit anong bigat upang magsulat at magmulat ako man ay abang makatâ kumakathâ para sa madlâ ng kwento, tulâ at pabulâ asahang pluma'y magdadagtâ pag pagod, magpahinga muna at ipikit ang mga mata isiping mayroong pag-asa pag ang masa'y nagsama-sama kumain at maging malusog upang sa diwa'y umimbulog ang mga paksang may indayog na sa puso'y nakadudurog - gregoriovbituinjr. 03.02.2026 * litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

AlTangHap

Imahe
ALTANGHAP ALmusal, TANGhalian, HAPunan - Altanghap minsan o madalas, iyan ang kinakain habang nagninilay, hinahabi'y pangarap at sinusulat ng pluma'y isyung pambayan kanina, inulam ko'y talbos ng sibuyas kahalo'y kamatis at pinitpit na bawang mayroon pang tuyong sapsap at tuyong biklad pinagsabay ang almusal at tanghalian iyon pa rin ang inulam ko ngayong gabi pagkat kayrami, di naubos ng tanghali altanghap na'y sadyang nakagawian dini lalo't may pupuntahan at nagmamadali ganyan ang buhay ng isang bálo tulad ko mahalaga'y lamnan ang tiyan, walang sakit mag-altanghap at tiyaking may ehersisyo at makapagsulat pa rin, sulit na sulit - gregoriovbituinjr. 03.01.2026

Daksipat pala'y teleskopyo

Imahe
DAKSIPAT PALA'Y TELESKOPYO   mayroon palang wikang Filipino sa largabista o sa teleskopyo subalit wala pa sa diksyonaryo nang ito'y talagang saliksikin ko kung ang matematika ay sipnayan at ang aritmetika ay bilnuran kaybuting  daksipat  ay natutunan doon pa sa krosword na sinagutan marahil galing ito sa  Cebuano dakô o malaki'y makikita mo sa sipat o sinilip mong totoo dakô at sipat,  daksipat  na ito kuro-kuro ko'y dapat matiyak pa salita'y saan nagmulâ talaga hinanap ko ang etimolohiya daksipat ay nasa  Wikipedia  na pasya ko'y gamitin na ang  daksipat sa pagtulâ at kwentong isusulat wikang sarili'y payabunging tapat sa salitang ito, daghang salamat! - gregoriovbituinjr. 03.01.2026 * mula sa palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 24, 2026, p.7

Paglaya - tanaga-baybayin

Imahe
bigla akong natuwa nang sila'y mapalaya tibak na laging handa daanan man ng sigwa - gbj/03.01.2026 tanaga-baybayin

CAPITOL, TOPICAL, OPTICAL, COALPIT

Imahe
CAPITOL, TOPICAL, OPTICAL, COALPIT pitong rambol na titik ang pinilit kong buuin, lahat ng letra'y gamit apat na salita'y nabuong saglit: CAPITOL, TOPICAL, OPTICAL, COALPIT nakatutuwang makita ang ganyan tulad din ng  BEDROOM  at  BOREDOM  iyan inip ka na ba sa iyong tulugan? SILENT  ay  LISTEN ;  SILENCE  ay  LICENSE  man tara, minsan, maglaro ng  Word Connect nang sa  BEDROOM  ay di  BOREDOM  ang hibik hulaan lang sa nirambol na titik ang salitang buuin mong tahimik ganyan,  Word Connect  pag nagpapahinga nalilibang ang sariling may dusa panahong wala mang kwento'y may kwenta minsan sa lumbay ito'y tagasalba - gregoriovbituinjr. 02.28.2026

Pagdalo sa "Hugyaw" sa pagtatapos ng Buwan ng Sining

Imahe
PAGDALO SA "HUGYAW" SA PAGTATAPOS NG BUWAN NG SINING Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr. Bilang panitikero at makatâ, dinaluhan ko ang iba't ibang aktibidad ngayong  Pebrero - ang Buwan ng Sining . Mula sa dalawang araw na Pasinayà 2026 mula Pebrero 7-8 hanggang Hugyaw ng Pebrero 27. Bukod sa  Buwan ng Panitikan tuwing Abril  ay binigyan kong halaga ang  Buwan ng Sining . Sapagkat ang mga makatâ ay hindi lang nasa panitikan kundi ang pagtulâ ay isang sining din mula pa noong unang panahon. Mula sa isang pagkilos sa panawagang pagpapalaya sa dalawang kasamang dinakip ng mga pulis sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Edsa@40 at napiit sa Mandaluyong, ay nagtungo ako sa Metropolitan Theater upang panoorin ang Hugyaw ng ikaanim ng gabi. Ang pamagat ng closing program ng Buwan ng Sining ay  "Hugyaw: Ugnayan ng Galing, Katotohanan at Giting"  na magsisimula ng ikaanim ng gabi, ayon sa programa, Open to the Public at Free Admission. Nakaabot ako roon, m...