Sa paglubog ng araw
SA PAGLUBOG NG ARAW
sa paglubog ng araw, kami'y liwanag sa gabi
huwag ituring na malamlam na ilaw sa poste
kahit inuuban na, kami pa rin ay may silbi
upang labanan ang mga kurakot at salbahe
matikas pa rin kami pag kumilos o gumalaw
mga panawagan ay kaya pa naming isigaw
matatag, kahit kain lang ay sampung pisong lugaw
nagsisilbi sa masa, maghapon man ay kaypanglaw
mabuhay ang mga tulad kong tibak na may uban
pagpupugay sa lahat ng mandirigmang Spartan
pagkilos nami'y di mapipigil ng katandaan
tungong pinapangarap na makataong lipunan
araw na'y palubog, may uban na ang aming buhok
subalit umiiral pa rin ang sistemang bulok,
dinastiya, kurakot, mandarambong, trapong bugok
patuloy kaming kikilos upang sila'y ilugmok
- gregoriovbituinjr.
03.26.2026

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento