Pagmumuni sa paglalakbay

Pagmumuni sa paglalakbay 

naglalakbay pa rin ang isip doon sa malayo
na ang pakiramdam sa tuwina'y pagkasiphayo
hinabol ang minumutyang diwata, hapong-hapo
subalit sa aking paningin ay biglang naglaho

madalas pa rin akong naglalakbay sa kawalan
laging dinaranas ang nagbabagang kalagayan
kumusta na ba ang nilalagnat na daigdigan
na sa panahong ito'y kaya pa bang malunasan

nais kong makarating sa pangarap na daigdig
kung saan walang pagsasamantala't pang-uusig
lipunang pantay na lahat ay nagkakapitbisig
imbes kumpetisyon ay kooperasyon ang tindig

madalas ding maglakbay ang diwa sa alapaap
magtatagumpay ba sa patuloy kong pagsisikap
lipunang pantay ba ang nasa kabila ng ulap
na pag nilakbay ko'y makakamit na ang pangarap

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain