Si Ahna Capri ng Enter the Dragon ni Bruce Lee at si Ana Capri ng pelikulang Pilipino

SI AHNA CAPRI NG ENTER THE DRAGON NI BRUCE LEE
AT SI ANA CAPRI NG PELIKULANG PILIPINO
Maikling saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Magkaiba lang ng baybay o spelling ng pangalan, subalit magkatunog ang pangalan nila't apelyido. Parehong artista. Parehong sikat sa kani-kanilang panahon. Gayunman, ang mga pangalang iyon ay screen name lang nila bilang artista.

Si Ahna Capri, sa tunay na buhay ay si Anna Marie Nanasi (Hulyo 6, 1944 - Agosto 19, 2010), ay isang aktres sa Amerika, ipinanganak sa Budapest, Hungary, at kilala bilang si Tania, na sekretarya ni Han, ang kalaban ni Bruce Lee, sa pelikulang Enter the Dragon. Ang unang baybay ng kanyang pangalan ay Anna Capri sa ilang mga pelikula, at inayos niya ito ang spelling nito at naging Ahna Capri noong 1970.

Si Ana Capri, sa tunay na buhay ay si Ynfane Avanica (isinilang noong Abril 24, 1979), ay isang akltres sa Pilipinas, na naging bida bilang si Talya sa una niyang pelikulang Virgin People 2 (1996) at Pila Balde (1999).

Aba, halos magkasintunog pa rin ang Tania at Talya. Si Ahna Capri bilang si Tania sa Enter the Dragon, at si Ana Capri bilang si Talya sa Virgin People 2.

Si Ahna Capri ay may labing-anim na pelikula mula 1956 nang magsimula siya bilang batang aktres hanggang 1998, at naging guest sa labing-anim na sikat na palabas sa telebisyon, tulad ng Kojak, na napapanood ko noong ako'y bata pa.

Si Ana Capri naman ay may labingdalawang pelikula mula 1998 hanggang 2016, at lumabas sa tatlumpu't apat na palabas sa telebisyon mula 2001 hanggang 2018.

Labingdalawang taong gulang pa lang si Ahna Capri nang maging aktres sa pelikulang The Opposite Sex noong 1956. Labimpitong taong gulang naman si Ana Capri nang maging aktres sa pelikulang Virgin People 2. Mukhang parehong sexy films ang dalawa, dahil sa pamagat pa lang ay may sex na at virgin pa.

Si Ahna Capri, na matagal nang naninirahan sa San Fernando Valley ay naaksidente sa North Hollywood noong Agosto 9, 2010 nang bumangga ang isang limang toneladang trak sa kanyang sasakyan. Matapos ang higit isang linggong pagkaratay sa banig ng karamdaman dahil sa koma, namatay si Ahna Caprisa edad na 66 noong Agosto 19, 2010.

Si Ana Capri ay nanalo naman ng tatlong beses bilang Best Actress. Ang una'y sa pelikulang Pila-Balde mula sa Cinemanila International Film Festival noong 1999, at dalawang award sa pelikulang Ala Verde, Ala Pobre mula sa Cinemanila International Film Festival, at mula sa Golden Screen Awards noong 2005. Nanomina rin siya bilang Outstanding Supporting Actress sa Golden Screen TV Awards noong 2013 sa programang One True Love.

Parehong screen name ang kanilang pangalan, subalit wala akong masaliksik kung paano nila nakuha ang kanilang screen name. Idolo ba ni Ynfane Avanica si Ahna Capri at doon niya binatay ang screen name niyang Ana Capri?

Ang pangalang Ana ay pangalan ng batang babae, na mula sa Espanyol o Portuges, at nangangahulugang "grasya" o "biyaya". Ang pangalang Ana ang isa sa mga pinakasikat na pangalang Espanyol para sa mga batang babae sa US.

Ang Capri naman ay isang isla sa Kanlurang Italya, sa Look ng Naples. "Capri" ang pamagat ng awitin ni Colbie Caillat noong 2007. Sinulat niya ito tungkol sa kanyang kaibigang nagbuntis sa anak nitong babaeng pinangalanang Capri. Ang kahulugan din ng Capri ay "goat" o kambing, tulad ng Capricorn. Ang kahulugan din ng Capri ay whimsical o kakaiba. Kaya kung ang Ana ay "grace" at ang Capri ay "whimsical", ang ibig sabihin ng Ana Capri ay "whimsical grace" o sa wikang Filipino ay "kakaibang biyaya".

Kung paano naging magsintunog ang kanilang pangalan ay marahil sinadya. Tulad noong mamatay si Bruce Lee, ayon kay Jackie Chan, ay nagsulputan ang mga pangalang Bruce Le, Bruce Lo, Bruce Lai, at marami pang iba. Tanging si Ana Capri ang makasasagot kung saan niya nakuha ang kanyang screen name o ano ang kaugnayan nito kay Ahna Capri.

Nakaabot ng edad 66 si Ahna Capri, na marahil ay malakas pa subalit namatay sa aksidente sa sasakyan. Nawa'y umabot din si Ana Capri sa edad 66 o higit pa, at nawa'y ingatan niya palagi ang kanyang sarili, at maligtasan niya ang anumang sakuna.

Mga pinaghalawan:

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bandalismo

Talaan ng mga sikat na boksingerong namatay sa aksidente sa kotse

Salamat sa alkohol